Monday, 13 February 2012

Ginintuang Bato

Gold [Au]. Pag narinig mo to, Ano ba ang una mong maiisip? Sabi nga nila, isa ito sa pinaka mahalagang bagay sa Earth (talo pa ata neto ang hangin!). At pag aksidente kang nakahukay neto, tiyak aksidente ka ding makakabili ng house and lot, kotse, macbook, imac, ipad, iphone lahat ng i, at pwede ka na mag almusal sa paris kung di mo feel ang pagkain sa karinderya malapit sa condo mo o mag dinner sa korea kung biglang gusto mo lang kumain ng maanghang at di ka makapunta ng Bicol, mas malapit nga naman yun di hamak. Hindi basta basta ang halaga ng ginto, at sinumang mag may-ari ng mineral na ito  ay magtataglay ng kung anumang kapangyarihan na hindi nararanasan ng mga simpleng mamamayan lang at pinagsisimulan din ito ng war, syempre minsan lang naman siguro. Pero naitanong mo ba sa sarili mo kung bakit ito napakahalaga?

Ayon sa aking murang kaisipan noon, kaya mahalaga ang ginto dahil sa maganda daw nito. Kumbaga pag nakakakita ang mga na may suot neto ay mapapa WOW sila at iisipin nilang Royal Blood etong tao na to (kaya siguro palaging nahohold-up ang kuya ko dati nung College siya dahil lagi niya sinusuot ang mga alahas ng Nany namin, akala siguro ng mga tao anak ng Datu ang kapatid ko). Iba kasi ang dating ng gold sa mata; makintab, kumikinang, umiilaw, kumukutitap, lahat ng adjective na shiny pwede na gamitin dito. At iisa lang ang ibig sabihin nun, Expensive!

1st year highschool ako noong nagpaliwanag ang teacher namin sa Science & Technology tungkol sa pagka precious ng gold. Itago na lang natin siya sa pangalang Sir Kidlat (oh diba agham na agham?). Sabi niya kaya lang daw nagiging ganun kataas ang value ng ginto dahil sa ito ay mineral na nasa ilalim na bahagi ng lupa. In short, mahirap hukayin! At dahil nga sa ito ay mahirap hukayin, kaya malamang na konti lang ang supply neto kumpara sa mga normal na bato na  nakikita mo sa araw-araw sa lupa. Binigyan niya pa ng example na paano daw kung yung ginto ay palagian  mo lang na nakikita sa tabi-tabi at yung mga normal na bato (sorry wala akong alam talaga sa mga tawag sa kanila, igneous at sedimentary lang ang alam ko at di ko din matukoy kung which is which) ang nasa ilalim ng lupa, papansinin mo kaya eto? Kumbaga sa economics, yun yung supply and demand. Hindi ko alam kung totoo nga ang sinabi ng Sir namin dahil base sa mga nababasa ko sa gold, wala naman ganitong paliwang pero dahil dun, nakakuha ako ngayon ng isang konlusyon - THE LESSER YOU GET, THE MORE YOU'LL VALUE IT.

Naikukumpara ko ito sa Love. Hindi ba't minsan may mga tao na pag alam nilang mahal na mahal sila ng isang tao, hindi nila binibigyang pansin. Bakit? Kasi alam nilang yung pagmamahal na yun andiyan lang palagi sa kanila at hindi nawawala, kumbaga ay di sila natatakot kasi anytime pwede sila lumapit sa taong nagmamahal sa kanila at alam nilang hindi sila nito tatanggihan. Kadalasan sa relasyon, pag na-apply ang gantong system, nagiging one sided yung giving at taking process. Kinalalabasan, yung isa give lang ng give, on the other hand take lang ng take.

Hindi lang ito sa lovers nangyayari, kasama din ang relasyon sa pamilya, sa magulang. kadalasan sa mga kabataan ngayon o kahit dati pa, kapag tumuntong ng teen years, unti-unti nang nawawala yung giving process sa mga magulang niya. Nawawala na yung pagpapahalaga sa mga magulang dahil namumulat na siya sa mga ibang bagay. Napagtutuunan niya ng pansin ang barkada, gimik, bf/gf etc. At dahil nga nasa iba na ang atensyon niya, lumalayo na ang loob ng mga kabataan sa mismong pamilya niya. Ngunit ang mga magulang, hindi kaylanman natatapos ang pagbibigay sa kanya, patuloy lang nilang minamahal ang anak ng walang kapalit. Inuuna nilaa palagi ang kapakanan ng anak higit sa sarili niya kahit walang kapalit. Pag dumadating sa buhay ng kanilang mga anak na nabaon ito sa hindi magandang pangyayari, diba't sila pa din ang unang-unang tumatanggap dito? At kahit mapuno na ng sama ng loob ang mga magulang, hindi pa din nila magawang pabayaan ito.

Sa basic needs naman tulad ng tirahan, pagkain at damit, diba sagana ang ilan dito. Alam nating mahirap na bansa ang Pilipinas pero marami pa din sa atin ang nakakakain ng higit na tatlong beses sa isang araw, nakatira sa maayos na tirahan at may sapat na mga kasuotan. Bukod sa mga basic needs ay meron din tayong mga wants, kabilang dito ang simpleng pag stroll sa mall, pagbili ng mga gadgets o kahit internet lang. Sa panahon ngayon sino ba ang hindi gumagawa at gumagamit nito?  Hindi pa kasama doon ang mga luxuries tulad ng pagkain sa mga mamahaling restaurant, pagbili ng mga sobrang damit na signature, pagbabakasyon sa mga magagandang lugar dito o sa ibang bansa at kung anu-ano pang mga activity na nangangailangan ng pera. Pero at the end of the day, kuntento ka na ba?


"Maraming taong di makaahon sa suliranin,
sa puntong mas maganda kung sila ay kunin na rin.
Anong ginagawa natin kundi ang tumingin lang,
bumili ng mamahalin atsaka magyabang.

Ano bang nangyayari sa mundo nating ito,
puno ng luha at luho ang lahing naririto.
Tayo ay naririto, nakahiga sa ginto,
Ngunit sa mga ito ay nakasara ang pinto."


Isa sa mga paborito kong passage yan sa kanta. Tuwing may pinagagastusan akong di kailangang bagay, tumutunog yan sa ulo ko. Nakakatuwa lang na may iilan pa ding tao na nakakapansin ng gantong sitwasyon. Kung bubuksan natin ang kamalayan natin, matatamaan tayo dito sa kantang to. Ako, Oo. Masakit kasi inaamin nating totoo na ganto tayo, na tayo ito. Habang tayo nagrereklamo kung bakit ganto ang ulam at di ganyan, o ayaw nating kumain 3 times a day kasi tumataba tayo, sila naman ay nagtitiis sa kung ano ang makayanan nilang bilhin, at kadalasan hindi kumpleto ang pagkain nila sa isang araw. Kadalasan isa o minsan wala pa nga. Yung iba nga lalo yung mga taong nanlilimos, namamatay nalang dahil wala silang makain. Nagagalit tayo pag nakikita natin sila, at sinasabi natin na bakit hindi sila gumawa ng paraan, bakit di sila magtrabaho? Pero alam naman natin na walang tatanggap sa kanila dahil mataas ang standards na hinhingi na kahit anong kumpanya o kaya naman ay sa simpleng diskriminasyon lang kaya ganon. Habang tayo may mga magagandang bahay, mga magagarang furniture, may mga swimmming pool at gusto pa nating palakihan dahil nakita natin na mas malaki ang bahay ni ganto, maganda malawak ang garden ni ganyan. Minsan pa hindi lang isa ang bahay natin, gusto natin dagdagan kaya bumibili pa tayo ng condo at resthouse ngunit sila naman, nagtitiis sa tagpi-tagping bahay, sagap nila ang init at ginaw sa mumunting bubong na tumatabing sa tirahan nila. Yung iba sa kalsada na lang naninirahan dahil wala naman silang mauuwian. Paano pa kapag di inaasahang nagka bagyo at baha. Saan kaya sila pupunta? Nakikita natin sa TV at naaawa tayo sa kalagayan nilang nagsisiksikan sa evacuation centers, pero meron ba sa atin ang naisipang mag alok ba ng sarili nilang bahay para doon patirahin ang mga nawalan? Meron siguro pero bibihira. At habang tayo ay nag uubos ng oras kakapamili ng mga ibat-ibang mamahaling damit na hindi naman natin nagagamit lahat, sila naman ay nagtitiis sa mga napaglumaan nilang damit na nagmumukha ng trapo sa dumi. Sunog ang mga balat nila sa tindi ng sikat ng araw sa umaga at kapag gabi at malamig naman, nanginginig sila dahil wala silang sapat na kasuotan sa bawat panahon, pero pag nakakasalubong ba natin sila sa daan, may isa ba sa atin na nagkusang magpasuot sa kanila ng damit, kahit jacket manlang na luma? Wala siguro at wala pa akong nakikita. Kaya naman ang mga simpleng bagay na basura para sa atin, para sa kanila ay malaking kayamanan nang maituturing

Pagpapahalaga, Pagmamahal at Pagbibigay. Mga simpleng salita na madaling sabihin pero parang napakahirap gawin. Nabanggit ko nga sa una na kapag kaunti lang ang isang bagay, nagiging importante ito. Paano kung yung mga nagpapahalaga sa atin ay biglang napagod at sila ang bumitaw sa atin, mababawi pa ba natin ang pagmamahal na nasayang na? Paano kung hindi inaasahang ang mga magulang natin ay kinuha nang nasa itaas, mapapasalamatan pa ba natin sila at maibabalik ang mga nagawa nila para sa atin? Paano kung tayo ang nangailangan ng pagkain, tirahan at kasuotan, may mga bukas palad kayang mag aabot sa atin nito? Hindi masama na tumanggap sa iba, ngunit dapat ay marunong din tayong magbigay. Mahalin natin ang mga taong andiyan parati para sa atin. Wag nating hayaan na mahuli ang lahat para maramdaman nila na pinapahalagahan natin sila. Hanggat nabubuhay sila, wag din tayong mapagod na ibigay sa kanila ang pagmamahal at pag aaruga na nararapat. Ipagpasalamat natin at pahalagahan kung anong mga bagay na meron tayo ngayon at sana ay hindi rin tayo makalimot na mamahagi ng kahit kaunti sa mga higit na nangangailangan.

Totoong mas mataas ang importansya ng ginto kesa sa ordinaryong bato. Kung sa buhay, may mga tao na pwede natin itulad sa bato na palagi mong makikita. Sila yung mga taong higit na nagmamahal sayo. Sila yung andiyan parati pag kailangan mo sila at hinding hindi ka pinababayaan. Tulad din ng mga bagay na pagmamay-ari mo. Palagi mo silang makikita at magagamit. Pero tandaan mo na kapag mawala ang mga bato, walang nagpapatigas sa lupa, walang nagbibigay ng pundasyon sa bundok, walang pumipigil sa malakas pag agos ng talon. Kung walang bato, hindi balanse ang kapaligiran. Kaya sana, pahalagahan at ingatan mo ang mga ordinaryong bato sa buhay mo kapantay ng pagpapahalaga mo sa ginto.

No comments:

Post a Comment